Sunday, March 19, 2017

Diyos Ko, Normal Ba Ito?


Normal pa po ba para sa isang bente otsong tulad ko ang maguluhan sa kung ano ang gusto kong makamit sa buhay? Minsan iniisip ko, matanda na ako. Kailangang magkaroon na ng direksyon ang buhay ko. Kailangang maging klaro na sa akin kung ano talaga ang goal ko sa buhay. Kailangang magkaroon na ako ng plano at umpisahan ko na iyon sa lalong medaling panahon. Pero hanggang ngayon, bakit parang naghahanap pa rin ako?

Hindi naman talaga ako yung taong humiling na sana, lumaki na ako kaagad. Masaya ako nung bata pa ako. Hindi ako nauubusan ng rason para tumawa, marami akong kaibigan, maluwag ang buhay. Hindi ako problemado sa kahit ano. Maliban nalang sa pagbo-boypren. E, diyaan nga ata ako sumablay sa buhay. Masyadong mapusok, masyadong mabilis magdesisyon, kulang sa self control. Palagay ko e, pinanganak talaga akong may bahid ng kalandian. Sorry po. Sana natuto akong gumamit ng utak bago ang landi. Sana books muna bago ang love letters. Sana thesis muna bago ang gimik. Pero, hindi ko na kayang ibalik ang panahon. Saka hindi naman lahat ng ibinunga ng pagkakamaling iyon ay masama.

Alam ko po kung gano ninyo ako kamahal. Hindi nyo ako pinabayaan sa kahit saan. Madali pa rin ang buhay para sa akin. Pero hindi ko po alam kung bakit hindi parin ako kuntento. Mayroon paring kulang. Mayroon parin akong hinahanap. Hindi ko alam kung kanino hihingi ng tulong, kase, hindi ko alam kung papaano ko sasabihin ang problema ko. Hindi ko sya ma-describe. Hindi ko malapatan ng salita. Hindi ko alam kung papaano ikukwento. Ni hindi ko nga rin po alam kung ano ang gusto ko.

Isa pa po, natatakot akong humiling. Kase, baka humiling ako ng mali. Alam ko pong kailangan kong maging pasensyosa, kailangan kong magtiwala. Pero parang tug of war. Naghihilaan ang mga daing ng puso ko at ang kagustuhan kong ipagpa-sa Diyos ang lahat. Minsan, pag hinahayaan ko na ang pagkakataon ang magbigay sa akin ng daan at hindi ko nakikitang doon papunta sa gusto ko, nirereject ko. Nananalo ang kagustuhan ko laban sa kung ano ang dapat para sa akin. Kapag ka naman nakukuha ko ang gusto ko at nakikita kong hindi ako doon sasaya, nirereject ko rin. Sa huli, wala akong kinahihinatnan.

Diyos ko, sana po ay bigyan ninyo ako  ng lakas ng loob at tibay ng damdamin para hindi ako nakatuntong nalang sa gitna habang buhay. Sana po, bigyan ninyo ako ng jump start. Natatakot ako, pero alam kong hindi ninyo ako pababayaan. Kayo po ang kumapit sa akin ha? Dahil mas may tiwala ako sa ganon. Kung ako ang kakapit sa inyo at matakot ako, baka bumitaw ako eh. Pero pag kayo ang may hawak ng kamay ko, kahit matakot ako, alam kong hindi Mo ako bibitawan.

Alam ko na alam mo ang sinasabi ng puso ko. Kung ano man yon Lord, sana katulad iyon ng plinano mo para sa buhay ko. Alisin mo ang takot sa akin, nakikiusap ako.


Sana makarating ito sayo. Ito lang ang paraan na alam ko para makausap kita ng walang distraction. Sana chumamba. Mahal kita.

No comments:

It's Just an Unfortunate Event, Not an Unfortunate Life

Buhay na buhay ang diwa ko, mas maaga pa sa alas-kwatro, kasabay ng Linggo ng Pagkabuhay. Dadahan-dahanin ko ang kwento. Masakit pa kasin...